Sumiklab ang sunog sa isang bodega sa Brgy. San Jose, Aurora, Isabela kahapon, Enero 15, na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FINSP. Jerwin Ramirez, Acting Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Aurora, nakatanggap sila ng tawag bandang 11:40 ng umaga hinggil sa nasusunog na storage facility. Agad namang rumesponde ang tatlong fire truck mula sa BFP Aurora, na dalawang minuto lamang ang layo mula sa kanilang himpilan dahil sa malapit na lokasyon ng bodega.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy at makapal na usok na nagmumula sa loob ng bodega, humingi ng karagdagang tulong ang BFP Aurora sa mga karatig-istasyon. Tumulong ang mga volunteer responder mula Cabatuan at ang BFP San Manuel sa pag-apula ng sunog.
Aniya, nasa loob ang pinagmulan ng sunog kaya’t lumapot ang usok tuwing sinasabuyan ng tubig, dahilan upang maging mahirap ang visibility ng mga bumbero. Gayunman, hindi naman kumalat ang apoy sa mga kalapit na istruktura.
Idineklara ng BFP na fire out bandang alas-12:48 ng tanghali matapos ang halos tatlumpung minutong operasyon. Sa kasalukuyan, patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog, ang nilalaman ng bodega, at ang kabuuang halaga ng pinsala. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Ito ang unang naitalang sunog ngayong taon sa bayan ng Aurora. Patuloy naman ang pinaigting na fire safety inspections at fire prevention campaigns ng BFP Aurora sa iba’t ibang pasilidad.











