CAUAYAN CITY- Tinupok ng apoy ang storage house ng isang residential house sa District 4, Bayombong Nueva, Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Marcelo Abordo ng Bureau of Fire Protection Bayombong, sinabi niya na batay sa inisyal na pagsisiyasat, bago maganap ang sunog ay nagkaroon ng power interruption sa lugar ngunit nang biglang bumalik ang tustos ng kuryente ay dito na narinig ng caretaker ng bahay na si Ginoong Jeffrey Aquino na mayroong pumuputok-putok sa storage house.
Nagtungo umano siya sa parte na iyon ng bahay at dito na niya nakita ang sunog na nagsimula nang lumaki.
Sinubukan naman nila itong apulahin gamit ang fire extinguisher ngunit hindi na nila nakaya pang apulahin ang sunog.
Isang concerned citizen naman ang nag-ulat ng insidente sa BFP Bayombong dakong 3:03 ng hapon at makalipas lamang ng ilang minuto ay nakarating na ang mga kasapi ng pamatay sunog sa lugar.
Dahil may kalakihan na ang apoy ay kinailangan nilang magtaas sa ikalawang alarma at humiling na rin sila ng augmentation sa kalapit na mga fire stations partikular ang BFP Solano.
Aabot sa tatlong fire trucks ang nagamit sa pag-apula ng sunog at dakong 3:35 na ng hapon nang maideklara itong fire out.
Ayon kay FO1 Abordo, aabot sa mahigit 600,000 ang inisyal na halaga ng pinsala.
Nagpapatuloy naman sa ngayon ang ginagawag pagsisiyasat ng mga awtoridad hinggil sa insidente.