--Ads--

Naging maayos ang unang mga linggo ng implementasyon ng Strengthened Senior High School Program sa Cauayan City Stand-Alone Senior High School, sa kabila ng ilang hamon gaya ng kakulangan sa kagamitan, guro, at silid-aralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, Principal ng nasabing paaralan, inilahad niyang tumaas ang bilang ng mga estudyante ngayong taon, na umabot sa 1,700 Grade 11 students mula sa 1,500 noong nakaraang taon. Dahil dito, kinakailangan umano nila ng karagdagang limang silid-aralan upang maiwasan ang siksikan sa mga klase.

Pansamantalang ginagamit ng paaralan bilang mga classroom ang kanilang function hall, science room, dance room, at laboratory rooms.

Dagdag pa rito, humarap din sila sa kakulangan ng upuan at mesa. Bilang pansamantalang solusyon, gumawa sila ng mga long tables at gumamit ng monoblock chairs para may magamit ang mga estudyante habang hinihintay ang pagdating ng mga standard armchairs mula sa Department of Education (DepEd) na partikular na idinisenyo para sa senior high school students.

--Ads--

Naipabatid na rin ng pamunuan ng paaralan sa DepEd Central Office ang kanilang mga pangangailangan, gaya ng karagdagang guro at pasilidad.

Sa kabila ng mga nabanggit na kakulangan, positibo naman ang naging takbo ng implementasyon ng bagong kurikulum. Ayon kay Dr. Mina, naging maayos ang class scheduling at nabigyan din ng sapat na reference materials ang mga guro para sa mga takdang aralin ng mga mag-aaral.

Ikinatuwa rin ng pamunuan ang 4-days-a-week class scheme kung saan ang ikalimang araw ay inilaan para sa collaborative expertise sessions ng mga guro.

Dito tinatalakay ang mga naging hamon sa pagtuturo at kung paano ito nalampasan, pati na rin ang pagbabahagi ng mga resources na maaaring magamit ng ibang guro upang mapabuti pa ang implementasyon ng programa.