CAUAYAN CITY – Sa ilalim ng Republic Act No. 10930, na nag-amyenda sa Land Transportation and Traffic Code, ang mga driver’s license holders na walang traffic violation sa listahan ng naturang tanggapan ay makakakuha ng mga bagong lisensya na may sampong taong bisa habang ang mga motoristang may paglabag sa trapiko ay makakakuha lamang ng mga lisensyang may limang taong bisa sa pag-renew.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Asst. Regional Director Manny Baricaua ng LTO Region 2 na hindi makakakuha ng 10 year validity ng drivers license ang lumabag sa Criminal law tulad ng reckless imprudence resulting in damage to property o resulting in homicide.
Ang LTO ay nag-iisyu ngayon ng mga lisensya sa pagmamaneho na may bisa sa loob ng sampung taon.
Ang Section 3 ng RA 10930 ay nag-uutos din sa LTO na magsagawa ng pagsusuri sa parehong mga aplikante para sa mga bagong lisensya sa pagmamaneho at sa mga nagre-renew ng kanilang mga expired na lisensya.
Pinalawig din ng LTO ang validity ng mga expired na driver’s license ng dalawang buwan mula sa kanilang expiry date.
Ang pagkakaloob ng mga bagong lisensya na may sampung taong bisa ay magsisimula sa Central Office-Licensing Section ng LTO at sa Quezon City Licensing Center.
Kabilang rin sa mga pinag aaralang ipatupad ng LTO region 2 ay ang pagpapataw ng points system kung saan bibigyan ng demerit points ang mga motoristang mahuhuli o lalabag sa batas lansangan na siyang magiging batayan ng LTO sa pagbibigay ng license validity.
Ayon kay Asst. Regional Director Baricaua na kung ang isang motorista ay makakuha ng limang hanggang siyam na demerit points ito ay isasailalim sa re-orientation habang ang napatawan ng sampung puntos na demerit points ay isasailalim sa intervention.
Kapag naabot naman ang 40 demerit points ay awtomatikong mapapawalang bisa ang lisensiya ng isang motorista sa loob ng dalawang taon.





