--Ads--

CAUAYAN CITY- Inirepresenta ng isang student leader mula Isabela State University – Cauayan Campus ang Pilipinas sa katatapos na First Global Youth Forum of Associations and Clubs for UNESCO sa Kazakhstan.

Siya ay si Jord Denzel Gante na kasalukuyang Student Supreme Council President ng naturang pamantasan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jord Denzel Gante, sinabi niya na ang first Global Youth Forum of Associations and Clubs for UNESCO ay isang aktibidad na nilalahukan ng iba’t ibang mga bansa na layuning hasain ang kakayahan ng mga kabataan para maging isang mahusay na lider.

Pinag-usapan aniya dito ang iba’t ibang mga problema na kinakaharap ng mga bansang kanilang pinag-mulan at kung paano ito masosolusyunan.

--Ads--

Ayon kay Gante dumaan siya sa butas ng karayom para mapiling representative ng bansa dahil kinakailangan mong maging bahagi ng Clubs for UNESCO sa Pilipinas kung saan hindi rin biro ang proseso para mapabilang dito.

Nilinaw naman niya na kapag napabilang ka na sa Club for UNESCO sa Pilipinas ay hindi iyon na nangangahulugan na ikaw na agad ang magrerepresenta sa bansa sa naturang aktibidad.

Kinakailangan aniyang aplayan ang pagsabak dito at dadaan pa ito sa masusing pag-aaral at serye ng interviews na pangungunahan ng board members ng national coordinating body ng UNESCO dito sa bansa at mapalad aniya siya dahil siya ang napili na magtungo sa Kazakhstan para irepresenta ang bansa.

Naging productive aniya ang mga isinagawa nilang aktibidad sa naturang bansa at isa sa mga pinakanagustuhan niya ay ang Youth roadmap 2025-2030 na nagsisilbing guide ng mga youth leaders sa pag-navigate kung paano bigyang solusyon ang isang problema.

Bawat delegado ay mayroong pinitch na plano kung anong mga problema sa lipuna ang nais nilang maresolba kung saan napili nitong ibahagi ang climate change na nararanasan sa bansa.

Sa pamamagitan ng kaniyang pagdalo sa naturang Global Youth Forum ay nabigyan aniya siya ng pagkakataon na lawakan ang kaniyang network at connections sa iba’t ibang youth leaders sa ibang bansa.

Sa buwan ng Oktubre ay nakatakdang magtungo dito sa pilipinas ang ilang youth leaders sa ibang bansa na naging kaibigan niya para dumalo sa International Assembly for Youth for UNESCO.