CAUAYAN CITY – Nagkasagupa ang mga kasapi ng 54th Infantry Battalion sa ilalim ng 503rd Infantry Brigade at nasa humigit kumulang dalawampung kasapi ng KLG Baggas sa bahagi ng Balbalan Proper at Maling, Balbalan, Kalingga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Melchor Keyog, 503rd Brigade Civil Military Operations Officer – Philippine Army, sinabi niya na nagpapatuloy ang clearing operations ng militar sa lugar at tinutugis ang mga tumakas na kasapi ng NPA.
Bago ang sagupaan ay nasagip pa ng militar si Gap-idan Claver Bawit Alyas Akma/Simple.
Si Alyas Akma ay kabilang sa mga nakasagupa ng Militar sa Kalinga noong May 30, 2024.
Napag-alaman na iniwan si Akma ng kaniyang mga kasamahan sa kagubatan kung saan nakita ng ilang concerned citizen na silang nagbigay ng impormasyon sa militar na naging daan para siya ay masagip ng militar.
Kasunod ng pagkakasagip kay Alyas Akma ay agad silang nagsagawa ng operasyon sa lugar na nagresulta sa sagupaan.
May mga naitalaga na ring mga sundalo na nakikipag-ugnayan sa mga residente o kalapit na barangay malapit sa encounter site para agad na iulat kung sakaling may mamataang mga NPA na hihingi ng tulong sa kanila.
Nagpasalamat ang militar sa mga concerned citizen na siyang nagbigay ng impormasyon para masawata ang makakaliwang grupo.