--Ads--

Hindi pinalampas ni Pangulopng Ferdinand MArcos Jr. sa kaniyang Sate of the Nation Address ang usapin kaugnay sa enerhiya sa bansa.

Aniya, kilala ang Pilipinas sa buong mundo sa pagpapahalaga nito sa renewable energy, hindi pa rin matatawaran ang patuloy na suliranin sa sektor ng enerhiya na direktang nararanasan ng maraming Pilipino.

Kabilang dito ang tatlong milyong kabahayan na wala pa ring kuryente, palagiang brownout sa iba’t ibang rehiyon,mataas na presyo ng kuryente at pagsulong sa Elektripikasyon.


Pagpasok ng kasalukuyang administrasyon, tinatayang limang milyong kabahayan ang walang koneksyon sa kuryente.

--Ads--

Sa loob ng tatlong taon, mahigit 2.5 milyong kabahayan ang napailawan na. Sa susunod pang tatlong taon, itatayo ang halos 200 bagong planta upang magbigay-liwanag sa 4 milyong kabahayan,mahigit 2,000 pabrika,halos 7,000 tanggapan at negosyo.

Tututukan ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) ang pag-abot sa target na bilang ng mga kabahayang maikokonekta sa kuryente, lalo na sa mga probinsyang gaya ng Quezon, Camarines Norte, Palawan, Masbate, Samar, Negros Occidental, at Zamboanga del Sur.


Sa pagtatapos ng 2028, mahigit isang milyong kabahayan pa ang inaasahang magkakakuryente sa pamamagitan ng solar power home systems. Para sa mga nais magbenta ng sobrang kuryente mula sa solar, isusulong ang Net Metering Program, na ipapabilis ang pag-apruba sa pamamagitan ng Energy Regulatory Commission (ERC).


Upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo, pinalawig ang Lifeline Rate—di lamang para sa 4Ps beneficiaries kundi pati na rin sa mga pamilya sa Listahanan na may mababang kita at hindi lalampas sa limitadong konsumo.

Nagbabala rin siya na hindi papalampasin ng pamahalaan ang krisis sa kuryente sa Siquijor na nagdulot ng deklarasyon ng state of calamity.

Natuklasan sa imbestigasyon ang expired permits,sirang generators na matagal nang napabayaan at mabagal na aksyon sa pagbili ng krudo at piyesa.

Inatasan ang DOE, NEA, at ERC na ibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa lalawigan bago matapos ang taon, at tiyaking may pangmatagalang solusyon. Inanunsyo rin ang masusing imbestigasyon sa kapabayaan ng mga energy providers sa buong bansa, kabilang ang posibleng refund sa mga naapektuhang konsumer.

Iginiit ng Pangulo na tulad ng pagkain, nakasalalay sa kuryente at tubig ang kabuuang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. Kaya’t hindi aniya matitiis ang anumang kakulangan sa serbisyo ng enerhiya na isang hakbang tungo sa mas inklusibo, episyente, at makataong pamumuhay.