
CAUAYAN CITY – Inaresto sa Poblacion, Diadi, Nueva Vizcaya ang isang sundalo na umanoy aksidenteng napatay ang kaniyang squad leader sa Cagayan.
Ang inaresto ay si Ricson Rulloda, 32 anyos, may asawa, kasapi ng Philippine Army at residente ng Duruarog, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa pangunguna ng Bagabag Police Station sa pamumuno ni PMaj Romeo Barnachea Jr. at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ay inaresto ang akusado.
Ito ay sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas ni Hukom Pablo Manuel Agustin ng RTC Branch 10, Tuguegarao City na may inirekomendang piyansa na 120,000 pesos para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bagabag Police Station, aksidenteng napatay ni Rulloda ang kaniyang squad leader noong Pebrero 2021 sa Alcala, Cagayan.
Ipapasakamay si Rulloda sa Alcala Police Station para sa kaukulang disposisyon.




