CAUAYAN CITY – Tatlong katao ang patay matapos ang pamamaril ng sundalo sa loob mismo ng 5th Infantry Division Camp Melchor Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Ang pinaghihinalaan ay si Sgt. Mark Angelo Ajel, 32 anyos, may asawa, vocational graduate, myembro ng Philippine Army at kasalukuyang nakatalaga sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga.
Ang mga biktima ay ang driver ng van na si Rolando Amaba na residente ng Brgy. Santa Cruz, Benito Soliven, Isabela, Erlinda Ajel, 35 anyos, misis ng suspek, vendor at Lolita Ramos, byenan ng suspek at residente ng kapwa residente ng Yeban Sur, Benito Soliven, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumalabas sa pagsisiyasat ng Gamu Police Station na habang nasa loob ng kampo ang Hyundai Grace Van na sasakyan ng mga biktima ay bigla nalang umanong nakarinig ng putok ng baril mula sa sasakyan ang mga sundalo na kinabibilangan ni Sgt. Rommel Narag at Staff Sgt. Perfecto Prudencio.
Dahil dito ay agad nilang kinuha ang kanilang issued short firearm at nilapitan ang nasabing sasakyan.
Habang sila ay papalapit sa sasakyan ay nakita nila ang suspek na may hawak na baril na agad na inaresto at pinosasan.
Ang biktimang si Erlinda Ajel ay dinala sa IDGH a City of Ilagan, Isabela, habang si Lolita Ramos ay dinala naman sa Providers Medical Hospital para sa atensyong medikal.
Naiwan naman ang biktimang si Rolando Amaba sa crime scene na dineklarang dead on the spot.
Ang suspek ay itinurn-over naman sa Gamu Police Station maging ang ginamit nitong baril.