CAUAYAN CITY – Lubos na ipinagmamalaki ng pamunuan ng 5th Infantry Division Philippine Army ang ipinakitang kabutihan at katapatan ng isang sundalo na nagpakasamay sa Bombo Radyo Cauayan ng napulot na pera na nahulog ng isang tsuper ng motorsiklo habang binabagtas ang national highway sa Gamu, Isabela.
Nagpasya si Private Manny Halog, residente ng Ara, Benito Soliven, Isabela at kasapi ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army na ipasakamay sa Bombo Radyo Cauayan ang kanyang napulot na malaking halaga ng pera dahil tiwala siya na maibabalik ito sa may-ari.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Private Halog na patungo siya sa bayan ng Gamu upang maglabas ng pera para sa kanyang ama na maysakit at nasa ospital nang makita ang bungkos ng pera na nahulog mula sa sinusundan niyang motorsiklo.
Hindi niya inisip na angkinin ang salapi dahil maaaring mayroon ding pangangailangan ang may-ari nito.
Tinulungan siya ng mga tao sa lugar na pulutin ang pera dahil ang iba ay inilipad ng hangin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya niya labis nilang ikinatutuwa at ikinararangal ang ginawa ni Pvt Halog.
Umaasa sila na ang ginawa ng Private Halog ay pamarisan ng mga kapwa sundalo, mga kabataan at iba pang mamamayan.
May rekomendasyon aniya na pagkalooban ng parangal si Private Halog bilang pagkilala sa nagawang kabutihan at katapatan.
Ayon kay Capt. Pamittan, sa mga seminar at training ng mga sundalo ay binibigyang-diin sa kanila ang kahalagahan ng pagpapakita ng mabuting asal at kabutihan sa kapwa.
Marami na aniyang sundalo ng 5h ID ang nagpamalas ng magandang ugali at katangian hindi lamang sa pagbabalik ng pera kundi sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Samantala, dakong alas onse ng tanghali ngayong June 22, 2022 ay nakuha na ng magsasakang si Oliver Delos Santos ng Bigao, Lunsod ng Ilagan ang 20,000 pesos na ipinasakamay sa Bombo Radyo Cauayan ni PVt Halog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong delos Santos, sinabi niya na inilagay niya sa pocket ng kanyang short pants ang pera na inilabas niya sa isang cooperative na pambii niya ng abono.
Labis siyang nagpapasalamat kay Pvt Halog dahil sa kanyang kabutihang loob ay naibalik ang kanyang nahulog na pera.
Ayon kay Ginoong delos Santos, labis din siyang natuwa nang malaman sa pamamagitan ng kanyang misis na nakabasa sa post sa FB page ng Bombo Radyo Cauayan hinggil sa pera na napulot ng sundalo at ipinasakamay sa himpilang ito.