CAUAYAN CITY – Dumating na ngayong araw, ika-dalawamput anim ng Hulyo, 2024, sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Gamu, Isabela ang labi ni Private Rosendo Gannaban, isang Startrooper mula sa 99th Infantry “Makabayan” Battalion (99IB).
Si Gannaban ay isa sa mga Makabayan Troopers na nagsagawa ng military checkpoint operation sa Barangay Pagatin I, Datu Salibo, Maguindanao del Sur, nang sila ay pagbabarilin nang hindi pa matukoy na bilang ng Local Terrorists Group (LTG) noong ikadalawamput isa ng Hulyo, 2024.
Nagdulot ito ng apat na minutong palitan ng putok ng dalawang grupo na nagresulta sa pagkasugat ni Gannaban at dalawa pang kasamahan nito na sina Sgt. Jomar Marin at PFC Lexter Lizardo.
Tuluyang nasawi sa Pvt. Gannaban dahil sa tinamo nitong tama ng bala ng baril.
Lubos naman ang pakikiramay at pakikidalamhati ng buong hanay ng 5th Infantry Division sa pamilya at kaanak ni Pvt. Gannaban.
Matapos malaman ang tungkol sa engkwentro, ginawaran ng medalya ni 5th Infantry Division Commander, Maj. Gen. Gulliver Señires sina Marin at Lizardo bilang pagkilala sa kanilang katapangan.
Ngayong araw din ay nakatakdang iuwi ang labi ni Gannaban sa kanilang bahay sa Divisoria, Enrile, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ederlina Gannaban, kapatid ni Pvt. Gannaban sinabi niya na wala pang isang taong nadestino ang kanyang kapatid sa Maguindanao.
Aniya wala pang asawa ang kanyang kapatid ngunit may kasintahan ito.
Bagamat hindi katanggap-tanggap ang pagkawala ng kanyang kapatid ay pipilitin nilang bumangon para na rin sa ikakatahimik ng kanyang kaluluwa.
Aniya ginagawa ng kanyang kapatid ang sinumpaang tungkulin nito bilang sundalo nang siya ay masawi kaya lubos ang kanilang paghanga sa kanyang kabayanihan para sa bayan.