CAUAYAN CITY – Naiuwi na sa kanilang bahay sa Victoria, Aglipay, Quirino ang pulis na napatay sa pakikipagsagupa kahapon sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Burgos, San Guillermo, Isabela.
Nasawi sa naganap na labanan matapos tamaan ng bala sa kanyang dibdib si Patrolman Henry Gayaman habang nasugatan sina PCpl Edieboy Vinasoy, Patrolman Widay Olosan at Patrolman Alfred Taliano .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Dolriech Patnaan, Company Commander ng 205th Manuever Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 2 na nasa maayos nang kalagayan ang tatlong nasugatan na pulis.
Ang dalawa ay nasa kanilang headquarters na sa Macalaoat, Angadanan, Isabela habang ang isa ay ginagamot sa isang pribadong ospital sa Cauayan City.
Ayon kay PCapt Patnaan, nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga mamamayan sa Burgos, San Guillermo hinggil sa presensiya doon ng mga kasapi ng NPA.
Balak umano ng mga rebelde na pulungin ang mga tao sa barangay ngunit dahil sawa na sila kaya nagsumbong sila sa mga otoridad.
Isang platoon ng 205th Manuever Company ang nagtungo sa lugar at tinatayang 30 ang NPA ang kanilang nakasagupa.
Ang Burgos ay pinakadulong barangay ng San Guillermo, Isabela.
Samantala, nasukol ng mga sundalo ang mga rebelde na umatras sa Burgos, San Guillermo, Isabela matapos na makipagsagupa sa mga kasapi ng 205th Manuever Company.
Dahil dito ay nagkaroon ng ikalawang sagupaan sa San Mariano Norte, San Guillermo sa pagitan ng mga rebelde at 86th Infantry Battalion Philippine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt Col Ali Alejo, commanding officer ng 86th IB na may mga sibilyan na nagbigay sa kanila ng impormasyon kaya nasundan nila ang mga NPA.
Wala aniyang nasugatan sa panig ng mga sundalo na nakipaglaban sa mga NPA.
May mga patak ng dugo sa pinangyarihan ng sagupaan kaya naniniwala si Lt Col. Alejo na may mga nasugatan sa mga rebelde.
Nagtalaga sila sa lugar ng mas maraming sundalo para sa hot pursuit operation sa mga rebelde.
Nagpapasalamat ang militar sa pagbibigay ng impormasyon ng mga sibilyan na sawa na umano sa pamemerhuwisyo ng mga rebelde.











