Naging maagap ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa Jones, Isabela sa pag-apula ng sunog sa palengke nitong nakaraang araw.
Matatandaang naganap ang sunog sa ilang stall sa palengke ng nasabing bayan nitong gabi ng Miyerkules.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 3 Abigail Alvarez ng BFP Jones, sinabi niya na pagdating nila sa lugar ay naka-lock ang mga stall, kaya binugahan muna nila ng tubig ang mga roll-up doors upang maiwasan ang backdraft fire.
Nang matiyak nilang malamig na ang mga ito, saka nila binuksan ang nasusunog na stall upang maapula ang apoy sa loob.
Ang nasunog na stall o grocery store ay pag-aari ni Ginang Rima Galanza, at nadamay rin ang katabing stall ni Ginang Raquel Montano.
Ayon kay FO3 Alvarez, hanggang first alarm lamang ang sunog dahil agad nila itong naapula at hindi na kumalat sa iba pang katabing stall.
Aniya, malaki ang naitulong ng cooling strategy na kanilang isinagawa upang hindi na lumawak pa ang apoy.
Dahil sa lokasyon ng sunog sa pampublikong palengke, agad silang humingi ng back-up mula sa Echague Fire Station upang makatulong sa pag-apula. Bagamat hindi na naglatag ng sariling hose ang BFP Echague, nagsuplay na lamang sila ng tubig sa mga fire truck ng BFP Jones.
Halos lahat ng mga paninda sa stall ni Ginang Galanza ay naapektuhan ng apoy, habang ang kay Ginang Montano ay nasunog lamang sa likurang bahagi.
Batay sa pagtataya ni Ginang Galanza, tinatayang nasa ₱1.5 milyon ang halaga ng mga nasunog na gamit at paninda sa loob ng kanyang grocery store.
Bagamat patuloy pa ang kanilang imbestigasyon, inisyal na tinitingnang sanhi ng sunog ay may kinalaman sa kuryente, partikular sa wiring sa loob ng stall.
Ayon kasi sa may-ari, may naiwang nakasaksak na wall fan sa loob ng stall na posibleng naging sanhi ng sunog, dahil nakasaksak ito sa isang saksakan na para lamang sana sa ilaw.
Muling nagpaalala si FO3 Alvarez sa publiko na tiyaking walang naiiwang appliances na nakasaksak kapag aalis ng bahay o tindahan, at ugaliing patayin ang circuit breaker upang maiwasan ang sunog na dulot ng overheating ng mga appliances.











