Sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng isang establisimyento sa District 1, Cauayan City, Isabela ngayong umaga ng Miyerkules, Nobyembre 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronron Dioniso, nakasaksi sa pangyayari, sinabi niya na nagsimula ang sunog sa loob ng isang apartment sa ikalawang palapag ng gusali kaya agad nilang sinaklolohan ang mga tao sa loob na sa mga oras na iyon ay humihingi na umano ng tulong.
Nang makalabas na ang mga ito ay doon na lumaki nang husto ang sunog dahilan upang madamay na rin ang isa pang silid na katabi nito.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Insp. Francis David Barcellano, Hepe ng Bureau of Fire Protection Cauayan City, sinabi niya na dakong alas-11:30 ng umaga ay nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nangyaring sunog sa lugar.
Kaagad naman silang rumesponde subalit malaki na umano ang sunog nang makarating sila sa lugar sapagkat gawa sa light materials ang loob ng gusali at may kalumaan na rin ito.
Ayon kay Fire Chief Insp. Barcellano, bahagyang nakasagabal sa kanilang responde ang mabigat na daloy ng trapiko sa daan dala na rin umano ng malakas na buhos ng ulan.
Naging hamon din sa kanilang pag-apula ng apoy ang makipot na hallway na dinadaanan ng mga bumbero kaya ipinapadaan na lamang nila sa bintana ang pagbuga ng tubig.
Inabot naman ng mahigit kumulang isang oras bago tuluyang naapula ang sunog.
Wala namang naitalang nasaktan sa insidente.
Kasalukuyan na ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.





