Hindi hinayaang mawalang saysay ang itinalang panibagong all-time scoring record ni ‘super-rookie’ Shaina Marie Nitura matapos muling sumilat ng isa pang higante na contender sa Final Four na Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws sa 87th UAAP women’s volleyball tournament second round eliminations sa Smart Araneta Coliseum.
Rumehistro ng pambihirang 314 kabuuang puntos ngayong season ang 20-anyos na dating UAAP juniors season at Finals MVP upang lampasan ang dating talang 312 marka ni three-time UAAP MVP Alyssa Valdez sa koponan ng Ateneo Blue Eagles.
Bukod rito ay kumarga muli ng kanyang ika-limang 30th point na produksiyon ang tubong Cainta, Rizal para sa inilistang 37 puntos mula sa 31 atake, limang blocks at isang ace kasama pa ang pambihirang triple-double na kamada sa 13 excellent digs at 12 excellent receptions.
Umalalay rin sa iskoring sa San Marcelino-based squad sina Nigerian spiker Frances Mordi sa 11 puntos mula sa siyam na atake at dalawang aces at 23 excellent receptions, gayundin si Mary Ann Nuique sa 11 puntos at walong excellent digs at Princess Dote sa anim na puntos, habang may 15 excellent sets si Fel Sagaysay kasama ang dalawang puntos.