Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Super Typhoon Nando na kasalukuyang nasa layong 110 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan.
Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras, patungong direksyon ng Hilagang Luzon. Inaasahang magdadala ito ng matinding pag-ulan, malalakas na hangin, at posibleng pagbaha sa mga mabababang lugar.
Taglay ni Nando ang maximum sustained winds na umaabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna, habang ang bugso ng hangin ay maaaring umabot hanggang 265 kilometro kada oras. Dahil dito, inaasahang makakaranas ng mapaminsalang epekto ang mga lugar na dadaanan nito.
Sa ngayon ay nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 5 sa Babuyan Islands.
Nakataas naman ang Signal Number 4 sa katimugang bahagi ng Batanes (Basco, Mahatao, Ivana, Uyugan, Sabtang), hilagang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Santa Praxedes, Claveria, Sanchez-Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, Camalaniugan), at hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalneg, Adams).
Nasa Signal Number 3 na ang natitirang bahagi ng Batanes, gitnang bahagi ng mainland Cagayan (Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Alcala, Santo Niño, Lasam, Allacapan, Rizal, Amulung, Piat), hilaga at gitnang bahagi ng Apayao (Flora, Santa Marcela, Pudtol, Luna, Calanasan, Kabugao), at natitirang bahagi ng Ilocos Norte.
Signal Number 2 ang nakataas sa natitirang bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, natitirang bahagi ng Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet (Mankayan, Buguias, Bakun, Kibungan), hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya (Diadi), Ilocos Sur, at hilagang bahagi ng La Union (Sudipen, Bangar, Luna, Balaoan, Santol).
Signal Number 1 ang nakataas sa Quirino, natitirang bahagi ng Nueva Vizcaya, natitirang bahagi ng Benguet at La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar) kabilang ang Polillo Islands.
Patuloy ang paggalaw ng Super Typhoon Nando sa direksyong kanluran patungong Babuyan Islands. Inaasahang lalapit o tuluyang mag-landfall ang sentro ng bagyo sa nasabing mga isla ngayong tanghali o mamayang hapon, ika-22 ng Setyembre.
May posibilidad pa itong lumakas bago tuluyang tumama o dumaan malapit sa Babuyan Islands.
Inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng umaga ng ika-23 ng Setyembre.











