Natapos na ng Provincial Government of Isabela ang Damage and Needs Assessment para sa Super Typhoon Uwan, at kinumpirma na wala silang naitalang nasawi bagamat malaki ang pinsala sa agrikultura.
Pinangunahan ni Governor Rodito Albano ang pagpupulong kasama sina Vice Governor Kiko Dy, PDRRMO, PDRRMC, at mga alkalde upang suriin ang pinsala at mga agarang pangangailangan ng lalawigan.
Pinuri naman ni Vice Governor Dy ang mabilis na koordinasyon ng mga LGU ngunit binigyang-diin niya ang paulit-ulit na problema ng ilang residente na ayaw lumikas dahil sa kanilang alagang hayop. Hinikayat niya ang mga LGU na gumawa ng ordinansa para sa pag-regulate ng pag-aalaga ng hayop sa mga hazard zone at gumawa ng mas malinaw na zoning-based evacuation plan.
Iniulat nina Jones Mayor Nhel Montano at San Agustin Mayor Raden Mondala ang mga nasirang tulay, habang ibinahagi ni Dinapigue Mayor Vicente Mendoza ang pagkawala ng mga bangkang pangisda na nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda. Inatasan ni Dy ang mga alkalde na isumite ang kanilang ulat upang agad na maisama sa programang ipapasa sa kapitolyo at sa Kongreso.
Malaki ang naging pinsala sa agrikultura, kabilang ang higit 3,300 ektaryang palay, halos 3,800 ektaryang mais, at mahigit 7,300 ektarya ng high-value crops na umabot sa higit ₱1.31 bilyong pagkalugi.
Iniulat naman ng PSWDO na nakapagbigay ang lalawigan ng 7,800 food packs at dagdag na 5,000 mula sa DSWD. Nagbigay rin ng tulong ang International Organization for Migration at SN Aboitiz Power–Magat, Inc. ng tents, tarpaulins, solar lamps, bigas, tubig, at iba pang relief goods.











