Napaiksi ang supervision period ng ilang mga probationers sa nasasakupan ng Cauayan City Parole and Probation Office para sa mga subok laya na nakikitaan ng pagbabago.
Ang mga kumukuha ng probation ay ang mga indibidwal na mayroong kinahaharap na kaso at na sintensyahan ng hindi lalagpas sa anim na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Pedro Almeda Jr. ng Parole and Probation Office, sinabi niya na karaniwang supervision period ay dalawa hanggang anim na taon subalit dahil nagiging factor aniya ang edad, pamumuhay, at kalusugan ng isang indibidwal ay pinapababa nila ang supervision period sa isang taon na lamang.
Paglilinaw naman na ang mga mayroong kasong naiuugnay sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay hindi maaaring pagkalooban ng 1 year supervision lamang dahil posibleng uulit muli sila sa paggamit o pagtutulak ng illegal na droga.
Dahil dito, bumaba ang bilang ng supervision ng ahensya noong 2025 na mayroong 149 kung ikukumpara noong 2024 na mayroong 184.
Pagdating naman sa investigation ay tumaas ang bilang noong 2025 na mayroong 178 kung ikukumpara noong 2024 na mayroong 141 lamang.
Ang nakikitang dahilan ng ahensya sa pagtaas ng bilang ng investigation ay dahil mas marami na ang nakaaalam na posible pang dumaan sa probation ang kanilang kaso na may sintensyang hindi lalagpas sa anim na taon kaysa hayaan na lamang na tuluyan silang mag dusa sa kulungan.










