CAUAYAN CITY- Malabo pa sa ngayon na maging sapat ang suplay ng baboy sa pamilihang bayan ng San Mateo ngayong buwan ng Marso.
Sa ngayon kasi ay umaangkat pa rin ang mga meat vendors ng baboy mula sa ibang mga bayan para lamang may maibenta.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Anna Mylene Basilio, Municipal Agriculture Officer ng San Mateo, sinabi niya na kaunti lamang ang suplay ng baboy sa kanilang bayan sa kadahilanang hindi na nag-alaga pa ng baboy ang ilang mga hog-raisers.
Aniya, minabuti ng ilan na huwag nang mag-alaga ng baboy dahil sa pangamba ng African Swine Fever o ASF.
Noong nakaraang taon ay mayroon kasi aniyang isang Barangay sa San Mateo na nagpositibo sa ASF na nagdulot naman ng takot at pangamba sa mga hog raisers.
Bagama’t mayroong naipamahagi noon na mga sentinal pigs sa mga magsasaka ay namatay naman ang ilan sa mga ito kaya nagkukulang pa rin sa suplay.