--Ads--

Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nananatiling matatag ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot ng lumalalang labanan sa Middle East.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), walang kakulangan sa suplay ng pagkain at sapat ang imbentaryo hanggang Hunyo o maging Hulyo ng taong kasalukuyan. Sinabi rin ng kalihim na patuloy ang ani at may sapat na reserba ang bansa.

Partikular sa bigas, kung saan iniulat ng National Food Authority (NFA) na mayroon itong humigit-kumulang 400,000 metric tons na buffer stock, na sapat para pakainin ang buong bansa sa loob ng 10 araw.

Dagdag pa rito, inaasahan ang mas mataas na suplay dahil sa kasalukuyang anihan at pagpasok ng imported rice.

--Ads--


Nagpatupad din ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatili ang abot-kayang presyo, kabilang ang mas mahigpit na monitoring, pag-aaral sa posibleng price cap sa imported rice, at pag-aalok ng mas murang alternatibo sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. at Planters Products Inc..

Bukod sa bigas, sapat din aniya ang suplay ng gulay dahil panahon ng anihan at pagtatanim.

Mayroon ding sapat na imbentaryo ng imported na baboy habang unti-unti nang dumarami ang lokal na produksyon.

Habang ang mais, asukal, at sibuyas ay iniulat ng DA chief na kasalukuyan ding in season.

Gayunpaman, aminado ang DA na maaaring magkaroon ng bahagyang pagtaas ng presyo dahil sa mas mataas na gastos sa transportasyon at freight dulot ng global developments.

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy hanggang Hunyo 2028 ang programang P20 kada kilo ng bigas para sa mga benepisyaryo, na layong matiyak ang abot-kayang pagkain para sa publiko.