Ibinahagi ni Sen. Sherwin Gatchalian sa pagbisita sa lungsod ng Cauayan, ang kasalukuyang estado ng suplay ng produktong petrolyo sa bansa kung saan limitado na lamang ang natitirang buffer stock na inilabas ng Department of Energy (DOE).
Ayon sa senador, umaabot na lamang sa humigit-kumulang 57 araw ang suplay ng gasolina, 47 araw para sa diesel, at 33 araw naman para sa liquefied petroleum gas (LPG). Sa kabuuan, tinatayang nasa average na 50 araw na lamang ang buffer stock ng lahat ng petroleum products sa bansa.
Binigyang-diin ni Sen. Gatchalian na mahalagang mapanatili ang sapat na suplay upang hindi na lalo pang maramdaman ng publiko ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Dagdag pa niya, tututukan at hindi pababayaan ng pamahalaan ang kalagayan ng mga magsasaka at transport group na kabilang sa pinakaapektado sa patuloy na paggalaw ng presyo ng petrolyo.
Aniya, lahat ng sektor ay apektado sa kasalukuyang sitwasyon, mahirap man o mayaman, kaya’t kinakailangan ang agarang aksyon at koordinasyon ng pamahalaan upang matugunan ang hamon sa suplay at presyo ng enerhiya.
Samantala, patuloy na minomonitor ng mga kinauukulan ang sitwasyon upang matiyak na may sapat na imbentaryo at maiwasan ang posibleng kakulangan sa mga susunod na linggo.











