CAUAYAN CITY – Nasa Critical level na ang supply ng dugo sa blood bank ng Philippine Red Cross Isabela (PRC) Isabela Chapter.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Josie Stephany Cabrera, administrator ng PRC Isabela Chapter, sinabi niya na bagamat itinuturing ang buwan ng Abril at Mayo bilang lean months ngunit bunsod ng patuloy na banta ng COVID-19 mula noong nakaraang taon ay nakakaranas na sila ng mababang supply ng dugo hindi lamang sa Isabela kundi maging sa buong bansa.
Aabot na sa dalawang linggo na nararanasan ng PRC Isabela ang mababang tustos ng dugo subalit mataas ang demand.
May ilang blood letting activities noong buwan ng Abril ang naantala dahil sa bagong quarantine restriction.
Sa kasalukuyan ay ipinapatupad nila ang patient direct, ang nangangailangan ng dugo ay pinagdadala ng donor.
Bawat araw ay umaabot sa sampu hanggang 20 indibidual na nangangailangan ng dugo ang tumatawag o nakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at karamihan ay mga dialysis patient at mga sasailalim sa operasyon.
Dahil dito ay umapela ang PRC Isabela chapter sa publiko na mag-donate ng dugo sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang tanggapan sa Lunsod ng Ilagan.






