
CAUAYAN CITY – Nagkakaubusan na ang supply ng kabaong sa Hong Kong dahil sa mataas na bilang ng mga namamatay bunsod ng COVID-19.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent MJ Lopez na hindi bababa sa isang daan ang namamatay araw-araw dahil sa virus.
Karamihang namamatay ay mga matatanda na hindi na iniuulat ng kanilang pamilya sa mga awtoridad.
Dahil dito, nagkakaubusan na ang mga kabaong kaya inilalagay na lamang sa morgue ang mga namamatay.
Sinabi pa ni Lopez na inilalagay sa kabaong ang mga bangkay sa loob ng tatlong araw bago i-cremate.
Bukod dito ay ay punuan pa rin ang mga hospital sa Hong Kong.
Ang ginawa na lamang ng pamahalaan ng Hong Kong ay tinaasan ang multa ng mga hindi nag-uulat sa mga tinamaan ng COVID-19.
Kahapon ay mahigit anim na libo ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Hongkong at may namatay na 119.
Nagpaalala na ang pamahalaan sa mga tao na iwasan ang paglabas sa kanilang tahanan at ipinagbabawal na rin ang pagkain sa mga restaurants ngunit marami pa rin ang matitigas ang ulo kaya dumarami ang kinakapitan ng virus.










