--Ads--

Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang nauna nitong desisyon na nagdedeklara sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bilang unconstitutional dahil sa paglabag sa one-year bar rule, at tinanggihan nang may pinal na bisa ang mosyon para sa reconsideration ng House of Representatives.

Ayon kay Court spokesperson Camille Sue Mae Ting, 14 mahistrado ang bumoto pabor sa desisyon, habang nag-abstain si Associate Justice Benjamin Caguioa at hindi nakadalo si Associate Justice Maria Filomena Singh dahil naka-leave.

Iginiit ng Kamara sa kanilang apela na ang ika-apat na impeachment complaint laban kay Duterte ay hindi sakop ng one-year bar rule sa ilalim ng Article XI, Section 3(5) ng Konstitusyon. Ang naturang reklamo ay inendorso ng isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara at naipadala sa Senado noong Pebrero 6.

Nagpasalamat naman ang kampo ni Duterte sa desisyon ng SC na anila’y nagbibigay ng malinaw na gabay sa limitasyon ng impeachment proceedings.

--Ads--

Ngunit para kay Rene Sarmiento, isa sa mga framers ng 1987 Constitution, ang desisyon ng SC ay isang “judicial intrusion” na nagpapahina umano sa proseso ng impeachment.

Noong Hulyo 2025, una nang ibinasura ng SC ang impeachment proceedings laban kay Duterte dahil sa paglabag sa one-year bar rule, na nagsasabing hindi maaaring magsimula ng impeachment laban sa parehong opisyal nang higit sa isang beses sa loob ng isang taon.

Sa apat na reklamong kinaharap ni Duterte, tatlo ang inihain ng iba’t ibang grupo, habang ang ika-apat ay inendorso ng isang-katlo ng mga kongresista. Idineklara ng SC na ang unang tatlong reklamo ay “archived” at itinuturing na terminated noong Pebrero 5, 2025, kaya’t walang bagong reklamo ang maaaring ihain hanggang matapos ang isang taon.

Binigyang-diin ng SC na ang mga limitasyon sa impeachment ay nakasaad upang maiwasan ang pang-aabuso sa pulitika at matiyak ang patas at makatarungang proseso. Dagdag pa ng korte, ang transmittal ng Articles of Impeachment ay dapat gawin sa plenary session ng Kamara upang mabigyan ng kopya ang lahat ng miyembro.

Sa panayam, sinabi ni Sarmiento na mas magiging mahirap na ang impeachment laban sa mga opisyal ng gobyerno dahil sa mahigpit na pamantayang itinakda ng SC.