Dinagsa ng mga residente ang isinagawang Surgical–Medical–Dental at Optical Mission sa bayan ng Aurora, Isabela kung saan daan-daang pasyente ang nabigyan ng libreng konsultasyon, gamot, at iba pang serbisyong pangkalusugan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Consuelo Subia, residente, alas-5:45 pa lamang ng umaga ay pumila na siya sa lugar upang masigurong makakapagpatingin. Nagtungo umano siya sa medical mission dahil dalawang linggo nang pabalik-balik ang kanyang karamdaman at hindi pa ito tuluyang nawawala.
Aniya, nang mabalitaan niya na may libreng medical mission sa kanilang lugar, agad siyang nagpasya na magtungo. Minabuti umano niyang dumating nang maaga upang hindi pa gaanong mahaba ang pila at masiguro ang kanyang slot sa pagpapatingin.
Kabilang sa mga serbisyong inihatid sa nasabing medical mission ang libreng eye check-up at libreng salamin, dental services, at surgical services gaya ng pagtatanggal ng bingot, bukol, luslos, at iba pa.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga residente sa mga sponsor ng aktibidad na sina Ester Cristobal Alvadera na tubong Aurora at ang asawa niyang si Dr. Arnold Alvadera kasama ang founder ng Hospital on Wheels na si Dr. Jim Sanchez.
Ayon sa mga organizer, layunin ng medical mission na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, lalo na sa mga residenteng may limitadong kakayahang magpatingin sa mga pribadong klinika at ospital. Patuloy naman nilang isasagawa ang mga kahalintulad na programa upang mas marami pang mamamayan ang matulungan.










