Nagbitiw si Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. bilang miyembro ng Bicameral Conference Committee na tumatalakay sa 2026 General Appropriations Bill matapos siyang masangkot sa mga reklamong plunder at graft na inihain laban sa kanya.
Sa kanyang inilabas na pahayag nitong Sabado, sinabi ni Momo na ang desisyon ay “hindi madali at hindi padalus-dalos.”
“Ito ay courtesy resignation at hindi pag-amin ng kasalanan. Naniniwala ako na mananaig ang katotohanan sa tamang proseso ng batas,” aniya.
Dagdag pa niya, patuloy siyang maglilingkod bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Surigao del Sur sa kabila ng kasong kinakaharap.
Noong Biyernes, isang grupo ng mga pari at pribadong indibidwal ang nagsampa ng plunder, graft, at ethics complaints sa Office of the Ombudsman laban kay Momo at ilang opisyal ng gobyerno.
Ayon sa reklamo, may kaugnayan umano si Momo at ang kanyang pamilya sa Surigao La Suerte Corporation (SLSC), na nakakuha ng mga kontratang pinondohan ng gobyerno na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱1.4 bilyon.
Kabilang sa mga respondent ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC), tauhan ng Commission on Audit (COA), at isang pribadong indibidwal na umano’y nakipagsabwatan sa mga opisyal.











