--Ads--

CAUAYAN CITY- Naging matagumpay ang isinagawang surprise drug testing sa mga tsuper at kondoktor ng mga pampasaherong bus na ginanap sa terminal sa Lungsod ng Cauayan.

Ang naturang drug test ay pinangasiwaan ng iba’t-ibang magkakatuwang na ahensya partikular ang Public Order and Safety Division (POSD), Highway Patrol Group (HPG), Land Transportation Office (LTO), at PNP.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin,  sinabi niya na labin-limang indibidwal ang sumailalim sa pagsusuri kung saan tatlo mula rito ang nakitaan ng senyales na gumamit ng ilegal na droga dahilan kung bakit nagkaroon ng masusing pagsisiyasat.

Tinutukan aniya nila ang mga National Bus Drivers o ang mga bumabyahe mula sa Manila at Baguio patungo dito sa Isabela dahil malaki aniya ang posibilidad na gumagamit ng droga ang mga driver upang labanan ang antok habang nagmamaneho.

--Ads--

Dagdag pa ni POSD Chief, naging matagumpay naman ang drug test at na turn-over na sa LTO ang mga indibwal na hinihinalang positibo sa isinagawang pagsusuri.

Mainam aniya na mayroong mga surprise drug test na isinasagawa upang matiyak na ligtas ang mga biyahero.

Bukod dito, dahil sa drug test at monitoring na ginagawa ay wala naman aniyang naitala na aksidente sa kalsada na nagresulta sa pagkasawi ng mga motorista.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LTO Regional Director Manuel Baricaua sinabi niya na taon taon lalo na kung mga mahahalagang holidays ay nagsasagawa sila ng random drug testing sa lahat ng mga terminal sa Cagayan.

Gaya ng taon taon nilang ginagawa nakikipag- ugnayan sila sa Local Government Units o LGU para maisakatuparan ang proyekto na isang simultaneous drug testing activity.