--Ads--

Nasa stable na umanong kalagayan ang mga nakaligtas na biktima sa naganap na aksidente sa Mambabanga, Luna, Isabela na kinasangkutan ng pampasaherong jeep, truck, at isang motorsiklo nitong Enero 21, 2026.

Matatandaan na tatlo ang nasawi sa insidente habang sampu naman ang nasugatan na pawang nagpapagaling na ngayon sa Hospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na kinailangan lamang ilipat sa pribadong pagamutan ang tsuper ng jeep subalit maayos na ang kalagayan nito sa  ngayon gayundin ang isang  taong gulang na bata na napasama sa aksidente.

Hindi naman malubha ang tinamong sugat ng tsuper ng motorsiklo dahilan upang agad din itong makalabas ng pagamutan.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Ramos, nangako ang kumpanya na nagmamay-ari sa sangkot na truck na sila’y tutulong sa mga biktima ng aksidente.

Gayunpaman, magsasampa pa rin ng kaukulang kaso ang pulisya laban sa tsuper ng truck na ngayon ay nasa kustodiya na ng  Luna Police Station.

Maliban sa CCTV footage sa lugar ay nahagip din ng dashcam ng isang sasakyan ang pangyayari kaya naman kukuhanan nila ng testimonya ang may-ari ng naturang dash cam na isa sa mga pagbabatayan ng Pulisya para malaman ang tunay na nangyari sa aksidente.

Aniya, laging nakikipag-ugnayan ang kapulisan sa pamahalaang lokal ng Luna para matugunan ang mga nangyayaring aksidente sa kanilang nasasakupan.

Kumpleto na umano ang streetlights sa national highway at inaantay na lamang ang installation ng mga CCTV Cameras.

Humiling na rin ang kanilang hanay ng karagdagang signages at warning devices para sa dagdag na precaution sa mga motorista na bumabaybay sa pambansang lansangan.