Tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagpaslang sa isang magsasaka sa Villa Flor Cauayan City.
Ang biktima ay kinilalang si Armando Manuel, 42-anyos, may asawa, residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, matutulog na sana ang biktima ng batuhin ng hindi pa nakikilalang suspek ang bahay ng biktima at nang binuksan ng biktima ang pintuan para silipin kung sinong nasa labas ay saka na ito binaril sa tagiliran na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rufo Pagulayan, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station sinabi niya na natukoy na ang suspek sa pamamagitan ng testimonya ng biktima o ang kanyang dying declaration bago ito binawian ng buhay.
Sa ngayon, kinukumpleto na lamang nila ang mga dokumento para sa regular filing ng kaso laban sa suspek.
Batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, may alitan ang biktima at ng suspek na maaring naging dahilan ng pamamaril.
Tumanggi naman siyang pangalanan ang suspek dahil maaring makaapekto ito sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Desidido naman aniyang magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa suspek.











