--Ads--

CAUAYAN CITY- Wala pa ring gabay ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa pagbaril at pagpatay sa anak ng Punong-Barangay Domingo Pulido Sr. ng Alinam, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt. Narciso Paragas, hepe ng Cauayan City Police Station na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng mga karagdagang pahayag ang pamilya ng biktimang si Domingo Pulido Jr., apatnapu’t limang taong gulang, may-asawa, isang mangangalakal at residente ng Alinam, Cauayan City.

Sa pakikipag-ugnayan ng pulisya sa pamilya ng biktima, limitado ang kanilang ibinibigay na impormasyon kayat hirap silang matukoy ang suspek.

Sinabi ni Supt. Paragas na bagamat mayroong testigo o nakakita sa pamamaril sa biktima ay hindi pa rin nila nabubuo ang pagkakilanlan ng suspek.

--Ads--

Magugunita na noong June 12, 2017 ang biktima ay naglilinis ng kanyang sasakyan sa harapan ng kanilang bahay nang may dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang dumating.

Bumaba ang isa at nakipag-usap sa biktima hanggang magkaroon anya ng pagtatalo na sanhi para barilin ng salarin ang negosyante.

Matapos ang krimen ay tumakas ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo.