--Ads--

Self-defense ang iginiit ng suspek sa pananaksak na naganap sa isang apartment sa Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela bandang alas-10:00 ng gabi noong Disyembre 15, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang biktima na kinilalang alias “Gelo”, 49-anyos, isang vendor at kasalukuyang residente ng nasabing barangay, ay nagtamo ng saksak sa kanang bahagi ng tiyan matapos masangkot sa mainitang pagtatalo.

Habang ang suspek na kinilalang alias “JV”, 40-anyos, may live-in partner at vendor din, ay agad na naaresto matapos ang insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, bago ang pananaksak ay nagkaroon umano ng inuman ang biktima, ang kanyang nakatatandang kapatid, at iba pang mga vendor sa naturang lugar. Dumating ang suspek na umano’y nasa impluwensiya ng alak at sumama sa inuman.Sa gitna ng kanilang pag-uusap, nagbitaw umano ang suspek ng mga pahayag na ikinabahala ng biktima, dahilan upang mag-ugat ang tensyon sa pagitan ng dalawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Corpuz, isang Barangay Tanod sa naturang barangay, sinabi nitong kusang humarap ang suspek sa mga opisyal ng barangay at inamin ang nangyari. Ikinuwento nito na bago ang pananaksak ay sadya niyang pupuntahan at kakausapin ang kapatid ng biktima, subalit ang mismong biktima ang sumagot sa kaniya.

Dagdag pa ng suspek, hindi umano niya nagustuhan ang naging sagot ng biktima kaya doon nagsimula ang tensyon sa pagitan nila. Sinabi rin niyang siya ay pinalo ng isang dustpan na gawa sa yero sa bandang ulo, ngunit swerte umanong naisangga niya ito ng kaniyang braso na nagtamo lamang ng kaunting gasgas. Hindi pa umano doon nagtapos ang komprontasyon dahil sinundan pa siya ng pananapak sa bandang batok.

Dahil sa takot at matinding emosyon, umalis umano ang suspek upang kumuha ng kutsilyo na ginamit niya sa pananaksak. Matapos nito ay bumalik siya sa lugar kasama ang kaniyang pamangkin. Iginiit din ng suspek na hindi siya tumakas matapos ang insidente. Nang puntahan siya ng mga pulis sa kanilang bahay ay naroon lamang umano siya at nakipagtulungan sa mga awtoridad.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari at kung may pananagutang kriminal ang sangkot na suspek.

--Ads--

Samantala, tiniyak ng pulisya na paiigtingin pa ang pagbabantay sa mga komunidad upang maiwasan ang kahalintulad na insidente, lalo na ngayong papalapit ang panahon ng kapaskuhan.