Nanakawan ang isang junkshop sa Barangay Tagaran, Cauayan City bandang alas 4:00 ng madaling araw, ngayong Miyerkules, Enero 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Medi Hassan Apu, may-ari ng naturang junkshop, sinabi nitong naganap ang insidente habang sila ay natutulog ng kanyang asawa.
Ayon kay Apu, ito na ang ikatlong beses na sila ay nabiktima ng pagnanakaw. Noong Enero 7 ay tinangay umano ang kanilang mga tanso habang noong Enero 12 naman ay mga baterya ang ninakaw. Batay sa kanilang pag-check at pag-track sa kuha ng CCTV footage, lumalabas na iisa ang sasakyang ginamit ng suspek sa mga naturang insidente, kabilang ang pinakahuling pagnanakaw.
Inamin naman ng suspek ang kanyang ginawa nang sila ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Component Police Station.
Kinilala ang suspek bilang isang 28-anyos na lalaki at residente ng San Mariano, Isabela. Isa umano sa kanyang idinahilan ay nangangailangan siya ng pera dahil mag-aabroad umano ang kanyang asawa.
Dagdag pa ni Apu, nakatakas pa ang suspek matapos ang insidente subalit nang magsagawa ng roving ang mga awtoridad at mamataan ang tricycle na ginamit sa pagnanakaw, tinanong ito ng mga pulis. Bigla na lamang umanong tumakbo ang suspek dahilan upang siya ay habulin at maaresto.
Sa kasalukuyan, nakikiusap ang suspek na hulugan na lamang ang kanyang ninakaw. Gayunman, desidido ang mga biktima na magsampa ng kaso dahil hindi rin nila maaaring ipagpilitan ang tricycle na ginamit sa krimen sapagkat ito ay hiniram lamang umano ng suspek sa kanyang tiyuhin.
Sa ngayon, hinihintay pa ng mga biktima ang pagdating ng pamilya ng suspek mula sa San Mariano upang pag-usapan kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso o aayusin na lamang ang insidente.











