Binalaan ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na maaring ma-cite in contempt si supended Mayor Alice Guo kung hindi dadalo sa susunod na pagdinig kaugnay parin sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.
Una rito ay ipinag-utos ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpapalabas ng subpoena para kay Mayor Alice Guo at ilang miyembro ng kanyang pamilya partikular ang ama nito na si Jian Zhong Guo, biological mother nitong si Lin Wen Yi, at mga kapatid na Shiel, Seimen at Wesley Leal matapos hindi makadalo sa pagdinig nitong nakalipas na araw ng Senado.
Ipinapatawag din sa susunod na pagdinig si Nancy Gamo, accountant at siyang namamahala sa paghahain sa mga dokumento ng mga negosyo ng pamilya Guo.
Matatandaan na sa sulat ni Mayor Guo sa komite, sinabi niyang hindi siya “fit” na dumalo sa pagdinig bilang resource person.
Aniya ,naapektuhan na ang kanyang physical at mental health dahil sa mga isyung ibinabato sa kanya at sa sobrang stress.
Buwelta naman ni Senador Hontiveros, hindi katanggap tanggap ang rason niya kung bakit hindi ito nakadalo sa pagdinig.
Ayon kay Hontiveros, sa naturang komite si Guo ang isa sa pinakaimportanteng dapat humarap sa mga issue kaugnay sa Identity at Citizenship.
Matatandaan na Sinampahan na siya ng kasong kriminal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng non-bailable offense na human trafficking.