CAUAYAN CITY – Hindi na maghahain ng petisyon ang National Public Transport Coalition (NPTC) kaugnay sa pagdaragdag ng pamasahe sa mga Jeep.
Ito ay matapos maghain ng petisyon ang ilang mga grupo na nasa hanay ng transportasyon sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na gawing 15 pesos mula sa dating 13 pesos ang minimum fare sa jeep.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na iniisip din nila ang kalagayan ng mga mananakay ngunit hindi nila tinututulan ang hakbang ng ilang mga grupo lalo na at patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Marami pa umano ang nakatakdang maghain ng kaparehong petisyon dahil maging ang ilang mga grupo ng tricycle drivers ay naghain na rin ng local petition.
Aniya, sapat naman na ang 15 pesos na minimum fare sa jeep upang hindi malugi ang mga jeepney drivers ngunit sa tingin nito ay baka pisong dagdag lamang sa pamasahe ang ipagkakaloob sa mga ito sa halip na dalawang piso.
Dahil dito ay muli niyang binigyang diin ang kahalahan ng pagsuspide pansamantala sa excise tax ng langis upang maibsan ang mataas na presyo ng petrolyo.
Aniya, ilang taon na nilang hinihiling ito sa pamahalaan ngunit hindi ito pinakikinggan dahil marami umanong maaapektuhan na programa ng gobyerno na nanggaling sa excise tax ng langis.
Nilinaw naman niya na hindi permantente ang suspension sa excise tax dahil ito ay ipatutupad lamang kapag tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Labis na aniyang nakakaapekto ang ilang linggong oil price hike sa mga motorista pangunahin na ang mga nasa transport sektor na malaki na rin umano ang lugi dahil na rin sa mababang pamasahe.