Sugatan ang isang lalaki matapos bumaliktad ang kanyang minamanehong SUV sa naganap na self-imposed accident sa bypass road na sakop ng Brgy. Sta. Cruz, Alicia, Isabela.
Ayon sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Alicia Police Station, ang biktima ay si Alyas Orio, 29-anyos, residente ng Centro 1, San Guillermo, Isabela, at tsuper ng Gray na SUV.
Batay sa ulat, bumangga ang sasakyan sa barrier at sa mga sako-sakong mais na nasa bypass. Nagtamo ang biktima ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad dinala sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng Cauayan para sa agarang lunas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, self-accident ang nangyari at walang ibang nadamay sa aksidente. Patuloy naman ang pagsisiyasat ng mga awtoridad batay sa impormasyong ibinigay ng biktima.
Kasama rin sa imbestigasyon ang pagtukoy kung ang kalsada ba ay madulas na nagresulta sa aksidente o kung may iba pang dahilan.
Ang nasabing SUV ay hindi na dinala sa himpilan ng pulisya, dahil diretsong ipinaayos ang sasakyan.











