CAUAYAN CITY – Isa ang patay at isa rin ang nasugatan matapos na bumangga ang isang Sport Utility Vehicle (SUV) sa isang poste sa kahabaan ng national highway sa Marana 3rd, City of Ilagan.
Ang nasawi ay ang tsuper ng SUV na si Jimmy Macarubbo, 38 anyos, may-asawa at residente ng Upi, Gamu, Isabela habang ang nasugatan ay si Princess Guillermo, 25 anyos, dalaga, private employee at residente ng Caritan Sur, Tuguegarao City, Cagayan.
Batay sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, binabagtas ng SUV ang lansangan patungong hilagang direksyon nang mawalan umano ng kontrol sa manibela si Macarubbo dahil sa mabilis na pagpapatakbo kaya bumangga sa isang kongkretong poste.
Nagtamo ng malalang sugat sa ulo ang tsuper ng SUV na naging sanhi ng kanyang pagkamatay habang nagtamo naman ng minor injury ang kanyang sakay.
Dinala ng mga tumugon na kasapi ng Rescue 1124 ang mga biktima sa isang ospital ngunit hindi na umabot nang buhay si Macarubbo.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa imbestigador ng nasabing insidente, nasa maayos namang kundisyon ang SUV nang mangyari ang aksidente.






