CAUAYAN CITY – Inilipat sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa City of Ilagan ang dalawang nasugatan matapos mabangga ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) sa San Mariano, Isabela.
Inararo ng isang SUV na minaneho ni Dominic Domalanta, 28 anyos at residente ng Santa Filomena ang isang tricycle at isang kolong-kolong ng mga biktimang sina Michael Villamor, 37 anyos, tricycle driver at residente ng Minanga, San Mariano, Isabela at Greggymar Datul, 36 anyos, ice cream vendor at residente ng San Isidro East, Santa Maria, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Edgar Manuel Jr., hepe ng San Mariano Police Station, sinabi niya na pauwi na si Dominic Domalanta, anak ni Vice Mayor Dean Anthony Domalanta sa Santa Filomena, San Mariano nang mabangga ang mga nakaparadang tricycle at kolong-kolong sa shoulder ng daan.
Agad na tumugon ang mga kasapi ng San Mariano Police Station at dinala sa San Mariano Community Hospital ang mga biktima at tsuper ng SUV.
Ayon kay PMaj Manuel, nakainom ng alak si Domalanta dahil sa mga nakitang bote ng alak sa loob ng sasakyan at madulas din ang kalsada dahil umulan.
Ayon pa kay PMaj. Manuel, may apat na kasama si Domalanta sa sasakyan ngunit hindi na nila inabutan pa sa lugar.
Dahil sa malubhang tinamong sugat ng mga biktima ay inilipat sila sa provincial hospital sa Lunsod ng Ilagan.
Handa umanong tumulong si Vice Mayor Domalanta sa mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari at nakatakda silang magsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple physical Injuries and Damage to Property laban sa tsuper ng SUV.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni PMaj. Edgar Manuel Jr.