Isang trahedya ang kumitil ng isang buhay at nagdulot ng pagkakasugat sa lima pang pasahero matapos mahulog ang isang Mitsubishi Montero sa bangin sa kahabaan ng Bontoc-Mainit Provincial Road sa Sitio Aratey, Guina-ang, Bontoc, Mountain Province noong gabi ng Disyembre 28, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Peter Apangcay, tagapagsalita ng Mountain Province Provincial Office, sinabi niya na agad silang rumesponde kasama ang Bontoc Municipal Fire Station, Bontoc Emergency Response Team, at mga boluntaryo mula sa komunidad upang magsagawa ng search, rescue, at retrieval operations sa nahulog na SUV.
Ang drayber ng SUV na si Cherylina Geston Dalilis, 53, residente ng Bayabas, Pico, La Trinidad, Benguet, ay natagpuan sa tabi ng wasak na sasakyan at idineklarang dead on arrival ni Municipal Health Officer Dr. Diga Kay D. Gomez dahil sa matinding pinsala sa ulo dulot ng aksidente.
Ang mga pasahero na sina Eunice Geston-Andaya, Eunark Geston Andaya, Destiny Geston Dalilis, Cleijter Geston Andaya, at Ken Shane Kewan ay agad na nailigtas at dinala sa Bontoc General Hospital.
Sina Cleijter at Ken Shane ay agad na nakalabas matapos masuri ng mga doktor.
Samantalang sina Eunice, Eunark, at Destiny ay inilipat sa Cordillera Hospital of the Divine Grace (CHDG) sa Wangal, La Trinidad, Benguet para sa karagdagang gamutan.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, hindi natansya ng driver na si Dalilis ang kalsada at nahulog ang SUV sa bangin na may lalim na 20 feet.
Posible aniyang hindi kabisado ng driver ang nasabing kalsada, lalo na’t mula ang ilang sakay ng SUV sa La Trinidad, Benguet at papunta sana ng Mainit nang mangyari ang aksidente.
Sa kasalukuyan, nakahimlay sa Parish Hall ng Cathedral of All Saints ang labi ni Dalilis habang patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.








