--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakaidlip habang nagmamaneho ang tsuper ng isang SUV na nahulog sa irigasyon sa barangay Bugallon Proper Ramon Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Chief of Police ng Ramon Police Station sinabi niya na nangyari ang aksidente noong hapon ng ikaanim ng Hunyo sa Purok 6, Brgy. Bugallon Proper.

Ito ay kinasangkutan ng isang mitsubishi Montero na minaneho ni Dennis Bullag na residente ng Potia Alfonso Lista Ifugao.

Ayon kay PMaj. Mallillin, nagsariling maaksidente ang tsuper sa Brgy. Road na nasasakupan ng Brgy. Bugallon Proper kung saan nawalan ng kontrol sa manibela at nahulog sa irigasyon sa gilid ng daan.

--Ads--

Aniya nakatulog ang tsuper kaya ito nawalan ng kontrol sa manibela na nagawang makalabas matapos basagin ang bintana ng sasakyan na nalubog sa tubig.

Makipot ang nasabing kalsada kaya maaring hindi natantiya ng tsuper na naging dahilan ng pagkahulog ng minamanehong sasakyan sa irigasyon.

Maswerte namang walang tinamong sugat sa katawan ang tsuper at naiahon na rin mula sa irigasyon ang sasakyan.

Pinaalalahanan naman ni PMaj. Mallillin ang mga motorista na kapag inaantok sa byahe ay maiging magpahinga muna sa gilid ng daan dahil maaring makaidlip habang nagmamaneho na magdudulot ng aksidente.