Nanawagan ang budget watchdog na Social Watch Philippines o SWP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang aabot sa ₱319.04 bilyong tinukoy nilang “highly questionable items” sa na-ratipikahang 2026 national budget.
Ayon sa SWP, ang mga ito ay resulta ng mga last-minute insertions at lump-sum appropriations ng bicameral conference committee na anila’y pagbabalik sa lumang pork barrel system sa kabila ng galit ng publiko laban sa korapsyon at aksaya sa pondo ng bayan.
Sinabi ni Dr. Ma. Victoria Raquiza, co-convenor ng SWP, na hindi people-centered ang 2026 budget at binatikos ang umano’y kakulangan ng transparency sa bicam process sa kabila ng livestreaming, dahil may mga naganap umanong closed-door meetings at biglaang pagbabago sa budget.
Kabilang sa pinapaveto ng grupo ang ₱81.94 bilyon para sa infrastructure programs ng DPWH, ₱8.9 bilyon para sa Farm-to-Market Roads ng DA, ₱10 bilyon Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk, ₱2.73 bilyon Tulong Dunong ng CHED, ₱15.33 bilyon disaster funds para sa LGUs, ₱5.25 bilyon confidential funds ng iba’t ibang ahensya, at ₱138 bilyon ayuda funds na may “questionable increases.”
Pinuna rin ng SWP ang ₱56.87 bilyon LGU assistance fund na anila’y prone sa patronage politics, at hinimok ang Pangulo na ibalik sa orihinal na antas ang pondo sa pamamagitan ng supplemental budget.
Nanawagan ang grupo kay Pangulong Marcos na i-veto ang mga naturang pondo upang maibalik ang tiwala ng publiko at mapanatili ang integridad ng budget process.











