Inanunsyo ng pamahalaan ng Syria na kontrolado na ng kanilang hukbo ang isang base militar sa hilagang-silangang bahagi ng bansa matapos ang pag-atras ng mga tropang Amerikano, bilang bahagi ng ceasefire agreement sa Kurdish-led na Syrian Democratic Forces (SDF).
Ayon sa pahayag ng Syria’s Ministry of Defence nitong Linggo, kinuha na ng puwersa ng Syrian Arab Army ang al-Shaddadi military base sa Hasakah matapos ang koordinasyon sa panig ng Amerika.
Matagal nang ginagamit ng Estados Unidos ang al-Shaddadi mula pa noong 2016, matapos itong maagaw ng Kurdish-led forces mula sa ISIL (ISIS). Noong Huwebes, nakuha rin ng hukbong Syrian ang kontrol sa US base na al-Tanf na matatagpuan malapit sa border ng Iraq at Jordan.
Sinabi ni Marco Rubio na ang pagpapatupad ng kasunduang tigil-putukan ay nasa positibong direksyon. Aminado siyang may ilang araw na nakababahala ang sitwasyon, ngunit nananatili aniya ang magandang takbo ng usapan. Binigyang-diin din niya na mahalaga ang maayos na implementasyon ng mga napagkasunduan at mananatiling aktibong kalahok ang US sa prosesong ito.
Dagdag pa ni Rubio, kinakailangan ding makipagkasundo sa iba pang komunidad sa bansa kabilang ang mga Druze, Bedouin at Alawite. Aniya, mas mabuti ang kasalukuyang resulta kaysa sa posibilidad na tuluyang mahati ang Syria sa iba’t ibang teritoryo na maaaring magdulot ng mas matinding labanan at malawakang migration.
Samantala, may mga residente malapit sa al-Shaddadi ang nagsabing nakarinig sila ng mga pagsabog sa base sa mga nakalipas na araw. Pinaniniwalaang sinisira ng mga Amerikano ang ilang natitirang kagamitan bilang paghahanda sa kanilang pag-alis, na ilang linggo nang pinaplano.
Bahagi ito ng mas malawak na pagbabago sa estratehiya ng US sa rehiyon, kung saan mas nakatuon na ito sa direktang pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Syria.
Sa mga nakaraang buwan, unti-unti nang binabawasan ng Estados Unidos ang presensiya ng militar nito sa Syria, mula sa 1,500 tauhan noong Hulyo ay naging humigit-kumulang 900 na lamang sa kasalukuyan. Inililipat din nito ang ilang puwersa sa Tower 22 sa Jordan.
Gayunpaman, nagpapatuloy pa rin ang air strikes ng US laban sa mga target ng ISIL sa Syria. Ayon sa United States Central Command, nagsagawa ito ng 10 air strike laban sa 30 target mula Pebrero 3 hanggang 12 at nakapatay o nakahuli ng mahigit 50 katao sa loob ng dalawang buwan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Admiral Brad Cooper, commander ng CENTCOM, na mananatiling handa ang pwersa ng US na tumugon sa anumang banta mula sa ISIS.
VIA – Al Jazeera/Christine Maguire






