Magdaraos ng serye ng mga pagdinig at pampublikong konsultasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simula sa susunod na linggo upang talakayin ang mga petisyon na humihiling ng pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan (PUVs).
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, binanggit ng LTFRB ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at gastos sa maintenance bilang dahilan kung bakit naghain ng mga petisyon ang mga transport group.
Aniya, kasunod ito ng direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na balansehin ang kapakanan ng mga pasahero at ng sektor ng transportasyon.
Binigyang-diin ni Mendoza na habang naghahanap ang LTFRB ng paraan upang maiwasan ang pagtaas ng pasahe dahil maaari itong makaapekto sa inflation, ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis ay nagbukas muli ng diskusyon sa mga petisyon.
Ang huling naaprubahang fare hike – isang ₱1 provisional increase – ay noong Oktubre 2023. Mula noon, patuloy na naghahain ng petisyon ang mga grupo ng transportasyon hindi lamang para sa jeepneys, kundi pati na rin sa bus at taxi.
Kamakailan, humiling ang transport group na Pasang Masda ng P1 provisional increase kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petroleum products.
Ayon sa LTFRB, iimbitahan nila ang maraming eksperto upang magbigay ng mas malalim na pananaw sa epekto ng fare hike sa ekonomiya. Makikipag-konsulta rin ang ahensya sa mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, partikular sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), upang makabuo ng solusyong kapaki-pakinabang sa parehong pasahero at sektor ng transportasyon.











