
CAUAYAN CITY – Desidido ang Pamahalaang Lungsod ng Tabuk na magsulong ng isang resolusyon para sa mas malalimang pagsisiyasat sa pagkasawi ng isang Apprentice seaman habang sumasailalim sa Water Search and Rescue o WASAR training sa Sangley Point, Cavite.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Aurora Amilig, tagapagsalita ng Pamahalaang Lungsod ng Tabuk sinabi niya na una na silang naka pag abot ng tulong sa naulilang pamilya ni Apprentice seaman Mori Caguay.
Aniya malakas ang hinala ng pamilya ni Caguay na may naganap na foul play sa naturang insidente na ikinasawi nito kaya nagtakda ang Pamahalaang Lunsod ng Tabuk ng isang pagpupulong para isulong ang malalimang imbestigasyon sa insidente bilang tulong na rin sa pamilya nito.
Batay sa pakikipag ugnayan nila sa pamilya ni Caguay wala pang anumang update sa ginagawang imbestigasyon ng Coast Guard sa kaso ng magkasunod na pagkasawi ng mga PCG trainee habang sumasailalim sa pagsasanay sa Cavite.










