Abala na ang mga tagapamahala at kawani ng Pampublikong Sementeryo sa Lungsod ng Cauayan sa pagsasaayos at paghahanda para sa pagdagsa ng mga tao ngayong Undas.
Isa sa mga pangunahing hakbang na isinagawa ay ang pagdidikit ng mga signages at placards sa iba’t ibang bahagi ng sementeryo upang magsilbing gabay sa mga bibisita.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCGS/CNP Ashley S. Palos, tagapamahala ng isang pampublikong sementeryo sa lungsod, sinabi niya na maagang isinagawa ang paglalagay ng mga palatandaan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga idinikit na palatandaan ay ang Parking Area for 4 Wheels, Entrance, Exit,at mga babala laban sa pagpasok ng mga tricycle sa makikitid na iskinita ng sementeryo.
Layunin ng mga ito na iwasan ang pagsisikip ng mga daan sa loob at mapanatili ang maayos na galaw ng mga sasakyan at bisita.
Dagdag pa ni Palos, taon-taon nilang isinasagawa ang ganitong paghahanda tuwing Undas upang mapanatili ang kaayusan at disiplina sa lugar.
Sa sampong taon na kanyang mahabang panunungkulan bilang tagapamahala, wala pa umanong naitatalang malaking insidente o aksidente sa sementeryo tuwing ginugunita ang Araw ng mga Patay.
Ayon sa pamunuan ng sementeryo, patuloy din nilang pinaaalalahanan ang mga bibisita na sundin ang mga ipinaskil na paalala at panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran. May mga tauhan din mula sa PNP at Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan na nakatalaga upang tumulong sa crowd control at emergency response.
Inaasahan ng otoridad na dadagsain ang mga sementeryo sa lungsod ng Cauayan upang bumisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong Undas, kaya’t mahalaga ang maagang paghahanda at disiplina ng bawat isa upang maging maayos, mapayapa, at ligtas ang paggunita.
Home Local News
Tagapamahala sa Pumpublikong Sementeryo sa Cauayan City, abala na para sa pagdagsa ng tao bukas
--Ads--











