
CAUAYAN CITY– Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng Alicia Police Station sa pagpatay sa isang negosyanteng Taiwanese sa Barangay Callao, Aicia, Isabela.
Ang biktima ay si Cesar Ong, isang Taiwanese National, 52 anyos, may-asawa, negosyante at naninirahan sa Antonino, Alicia, Isabela.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan ng pinaghihinalaan at kung ano ang motibo sa pamamaslang.
Hinihihintay pa ng pulisya ang desisyon ang pamilya bago isailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Berling Navelga, driver at tauhan ng biktima na mabait sa kanyang mga tauhan ang negosyante kayat nagulat at nalungkot sila sa pagkamatay ng kanilang amo.
Mag-isa anyang natutulog ang biktima sa kanyang bodega matapos manakawan ng palay noong nakaraang linggo.
Nauna rito ay nakitang duguan at tadtad ng saksak sa katawan at taga sa leeg ang biktima.
May mga patak ng dugo sa paligid, patunay na nakatakbo pa ang biktima bago tuluyang bawian ng buhay malapit sa pintuan ng bodega.
Kompleto naman umano ang mga personal na gamit ng biktima tulad ng pitaka, cellphone, mga alahas at wala ding nawala sa loob ng bodega.




