--Ads--

CAUAYAN CITY- Talamak umano ang nakawan ng gasolina sa Brgy. Disctrict 3 na kadalasang kinasasangkutan ng mga kabataan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Lorenzo Mangantulao ng District 3, sinabi niya na ilang mga motorista na ang nagrereklamo sa kanilang tanggapan na nananakawan ng gasolina.

Kamakailan lamang ay may mga nahuli silang mga kabataan mula sa magkahiwalay na lugar na naaktuhang nagnanakaw ng gasolina mula sa mga nakaparadang motorsiklo.

Batay sa kanilang monitoring, wala naman umanong ibang ninanakaw at pinagkakainteresan ang mga suspek maliban na lamang sa gasolina.

--Ads--

Dalawang beses pa lamang silang nakahuli ng mga suspek na isinailalim naman nila sa  tatlo hanggang limang araw na community service.

Edad labindalawang taong gulang pataas umano ang mga kadalasang nasasangkot sa pagnanakaw at ngayon ay inaalam pa ng pamunuan ng barangay kung personal na interest ba ito ng mga suspek o mayroong nag-uutos sa kanila gawin ang naturang aktibidad.

Kadalasan naman umano sa mga nahuhuli ay hindi residente ng District 3, gayumpaman ay mahigpit na nagpapatrolya ang mga tanod para maiwasan na ang nakawan.

Pinapayuhan ng pamunuan ng Barangay ang mga may motor o sasakyan na siguruhing nasa loob ng garahe ang mga sasakyan upang hindi na mabiktima.

Hinihintay na lamang din aniya nila ang labing anim na piraso ng CCTV na ilalagay sa mga lugar na matatao  upang mas mapaigting ang pagbabantay sa komunidad.