--Ads--

Isang magandang hakbang ang ginawa ng House Committee on Justice nang hindi na nito tinalakay ang una at ikalawang impeachment complaint laban kay Vice Presidente Sara Duterte.

Ito ang inihayag ng isang constitutional law expert sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kaugnay ng isinagawang pagdinig upang beripikahin kung sapat sa porma (sufficient in form) ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Sa panayam kay Atty. Domingo Cayosa, sinabi niyang mabuting nag-ingat ang Kongreso sa hindi pagsama sa ikalawang impeachment complaint dahil maaari itong muling gawing batayan ng kampo ni Duterte upang kuwestiyunin ang proseso at dumulog sa Supreme Court of the Philippines.

Ayon sa kanya, halos magkakapareho lamang ang nilalaman ng mga naturang complaint kaya maaaring nagkaroon na ng pag-uusap ang mga naghain nito at ang ilang kongresista upang hindi na maulit ang nangyari noong nakaraang taon kaugnay ng “one-year bar rule.”

--Ads--

Aniya, kapansin-pansin ang umano’y overreach sa ilang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng naunang impeachment complaint laban kay Duterte, kaya ngayon ay makikita kung ano ang magiging hakbang ng hukuman.

Dahil hindi pa rin malinaw ang ilang patakaran, nagpasya ang Kamara na mag-ingat sa pagproseso ng mga sumunod na impeachment complaint upang maiwasang maulit ang mga naging isyu noon.

Ayon pa sa kanya, nakakalungkot ang ganitong sitwasyon kung saan hindi ganap na nalilinaw ang mga patakaran sa pagtanggap ng mga impeachment complaint.

Iginiit niya na base sa Konstitusyon ang pag-file ng impeachment complaint, ito ay kailangang maresolba sa lalong madaling panahon at kabaliktaran ang ginawa ng Korte Suprema.