

CAUAYAN CITY – Naidlip umano ang driver ng Tamataw Fx na nahulog sa bangin sa Gonogon, Bontoc, Mt. Province na ikinasawi ng dalawang bata at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt Esteban Khayad Jr, imbestigador ng Bontoc Police Station, sinabi niya na pauwi na ang mga biktima sa barangay Sabangan mula sa Poblacion ng Bontoc dakong alas diyes kagabi nang mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang Tamaraw Fx .
Naidilip umano ang driver kaya nawalan ng kontrol sa manibela at nahulog sa bangin na may lalim na 25 hanggang 30 na metro.
Dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival sina Fausto Ballakis Jr., 11 anyos at residente ng Sabangan, Mt. Province at Nathan James Oloan Ballakis, 4 anyos at residente ng Samoki, Bontoc.
Ginagamot sa ospital ang mga nasugatan na sina Jeranie Querido Ballakis, 50 anyos; Fausto Ballakis Sr., 51 anyos at Fernan Ballakis, 18 anyos, tsuper ng sasakyan.
Nagpaalala ang Bontoc Police Station sa mga tsuper ng sasakyan na maging maingat para maiwasan ang aksidente.




