
CAUAYAN CITY – Aabot na lang sa siyamnapung libong ektarya ng taniman ang kakayaning tustusan ng tubig ng Magat Dam oras na maramdaman na ang pinangangambahang El Niño o kawalan ng pag-ulan hanggang buwan ng oktubre.
Ito ay matapos ihayag ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS ang muling paghahanda sa pinangangambahang epekto ng El Niño na posibleng magresulta sa kakulangan ng tubig sa Dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NIA-MARIIS Division Manager Engr. Gileu Michael Dimoloy sinabi niya na pinangangambahan na hindi na kakayanin ng Magat Dam na matustusan ng tubig ang mga irigasyon ang matataas na lugar at aabot lamang sa 90,000 na ektarya ng taniman na nasasakupan ng dam partikular ang mga bayang sakop ng south high Canal mula Bayan ng Ramon, Cordon, Diffun sa Quirino, Echague, Baligatan Diversion Dam at Orcariz Main Canal.
Ikinukundera na nila ngayon ang paggawa ng layout sa posibleng maging epekto naman ng kawalan na ng patubig sa matataas na lugar kabilang ang paghimok o mungkahing pagtatanim ng mga hindi nangangailangan ng patubig.










