CAUAYAN CITY – Inihayag ng Provincial Agriculture Office ng Isabela na posibleng hindi maabot ang target na produksyon ng palay ngayong cropping season dahil sa maaring epekto ng La Niña.
Sa naging pagpapahayag ni Dr. Marites Frogoso, ang Isabela Provincial Agriculturist sa isinagawang regular business meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC, sinabi niya na batay sa forecast ng Pagasa, asahan na ang epekto ng La Niña o malalakas na pag-ulan sa mga susunod na buwan.
Malaki ang magiging epekto nito sa mga palayan sa lalawigan lalo na at na-delay ang pagtatanim ng mga magsasaka dahil sa naranasang El Niño.
Ayon kay Dr. Frogoso inaasahang aabot sa 57% ng mga palayan sa Isabela ang maaapektuhan kapag naranasan ang malalakas na pag-ulan o bagyo sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre na oras ng anihan ng mga magsasaka.
Ang 43% ay unang maha-harvest sa buwan ng Setyembre at ang natitirang 57% ang nasa peligro.
Kapag tumaas kasi ang lebel ng tubig ay dadapa ang mga palay at maibababad ang mga butil nito at masisira.
Upang maisalba ang mga maapektuhang palay ay iminungkahi ng Provincial Agriculture Office na pwedeng agahan ang pag-aani at gagamitin na lamang ang mga dryers upang mas mapabilis ang pagbibilad.
Umaasa rin silang tutulong ang Pamahalaang Panlalawigan maging ang Philippine Crop Insurance Corp. o PCIC sa anumang maibibigay na serbisyo sa mga magsasaka.